Singilin ang Rehimeng US-Aquino sa Mamasapano Massacre! Isulong ang pakikibaka laban sa Panghihimasok ng US!

Ang labis na pangangayupapa ng Rehimeng Aquino sa imperyalistang Estados Unidos ay nagbubunsod ng kontradiksyon hindi lamang sa pagitan ng mga naghaharing-uri at ng sambayanang Pilipino, kundi maging ng kontradiksyon sa kampo mismo ng naghaharing pangkating Aquino. Ang palpak na Oplan Exodus na may misyong hulihin ang teroristang si Zulkifli Bin Hir aka Marwan noong Enero 25, 2015 at nagresulta sa pagkamatay ng 44 Special Action Forces (SAF) Commando ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 18 Moro Fighters at 5 sibilyan sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao ay malinaw na larawan ng kainutilan ni Aquino at lubusang pagkapapet sa imperyalistang amo nito. Ang naturang insidente na kinilala bilang Mamasapano Massacre ay nagbunsod ng panibagong biyak sa pangkating Aquino.

Ang lantarang paghuhugas kamay ni Aquino at pagkukumahog niyang protektahan ang gubyernong US mula sa eskandalong idinulot ng tinaguriang suicide operations ng AFP nitong nakaraang taon ay sinalubong ng pambabatikos mula sa nagngangalit na mga pamilya at ng malawak na sambayanang Pilipino. Naitulak sa depensibang posisyon si Aquino nang maging ang mga kaalyado niya sa pulitika at sa hanay ng militar ay nagdudumaling iligtas ang mga sarili mula sa dagok na dala ng isyu. Iba’t ibang pakulo, panunuhol at palusot na ang sinubukan ng kampong US-Aquino upang maisalba ang imahe ng rehimen ngunit matibay ang mga ebidensyang nakuha mula sa mga fact-finding missions na nagpapatunay ng direktang pagkaimbwelto niya sa Oplan Exodus.

Ayon sa mga ebidensya nakalap sa mga fact finding missions, malinaw na lumabag ang rehimeng Aquino sa batas nang pahintulutan nito ang isang dayuhang bansa sa mukha ng Estados Unidos na direktang manghimasok at magdirehe sa operasyon. Pinondohan ng gubyernong US ang Oplan Exodus, mula sa mga pagsasanay militar ng SAF Commandos hanggang sa aktwal na pangyayari. Gayundin, nagpadala ang US ng tropang Amerikano upang lumahok sa paghuli kay Marwan. Sa katunayan, may mga video footages na nagpapatunay na may sundalong kano na namatay sa engkwentro at agarang kinuha ng isang helicopter na pagmamay-ari ng gubyernong US.

Sa kabila ng mabibigat na ebidensya at matapos ang isang taon mula noong masaker, wala pa ring nananagot at naparurusahan sa mga tinuturong nagpakana at nagmando ng operasyon kabilang na mismo si Aquino at ilang representante ng gubyernong US. Dismayado ang mga kaanak at ang buong sambayanan sa tila pagbabaon sa limot ni Aquino sa isyu. Higit sa lahat, nagpupuyos sa galit ang mamamayan sa tuluyang pagtalikod ng rehimen sa mandato nitong pananagutin ang mga tao sa likod ng palpak na operasyong pinagbuwisan ng higit 50 buhay.

Kaisa ng mamamayan ang National Democratic Front – Bicol sa pagkundena sa administrasyong Aquino sa kawalan nito ng aksyon upang makamit ang katarungan para sa mga nasawi sa engkwentro. Bunsod ng lantarang pagkapapet ng rehimen, imbis na pananagutin ay ipinagtatanggol pa nito ang US. Diumano’y walang kinalaman ang gubyernong US sa pangyayari at kung may presensya man ng tropang Amerikano o ng mga gamit militar ng Amerika ay dahil ‘ mahigpit na kinakailangan’ ang mga ito para sa operasyon. Ngunit hindi malilinlang ang mamamayan. Malinaw na ang duguang kamay ng sabwatang US-Aquino ang nagtulak sa 44 SAF Commandos tungo sa kanilang kamatayan. Walang aasahan ang mamamayang Pilipino sa isang tutang rehimeng pinamumunuan ng lokal na naghaharing-uri at sunud-sunuran lamang sa dikta ng imperyalistang US.

Maria Roja Banua

Tagapagsalita

NDF-Bicol

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s