PAHAYAG NG PAKIKIPAGKAISA SA IKA-6 NA TAONG PAGHAHANAP NG HUSTISYA SA MGA BIKTIMA NG MAGUINDANAO MASAKER

Sukdulang kainutilan ang tanging marka ng rehimeng Aquino anim na taon matapos ang malagim na Maguindanao Massacre kung saan 59 na katao, 23 ay media practitioner, ang pinapaslang ng makapangyarihang pamilya ng Ampatuan laban sa karibal sa pulitikang pamilya ng Magundadatu. Nagkukumahog ang rehimeng Aquino na pagtakpan ang reyalidad na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay walang ni katiting na hustisyang nakamit ang mga pamilya ng mga mamamahayag na biktima ng kaganiran sa pulitika at kapangyarihan. Tulad ng mga nagdaang taon, pahugas-kamay na binubunton ni Aquino ang sisi sa dating pangulo at tulad niyang mandarambong na si Gloria Macapagal Arroyo. Pilit na pinalalaki ni Aquino ang papel ng nakaraang rehimen upang matakasan ang kanyang obligasyon na panagutin ang malalaking personaheng nasa likod ng karumal-dumal na masaker.

Ilang taong katahimikan ang tanging itinugon ng rehimeng Aquino sa pang-uusig ng mga pamilya ng mga biktima. Nitong nakaraan, walang kagatul-gatol na ipinamandera ni Aquino sa publiko na ayon umano sa kanyang ‘intelligence and investigation teams’ ang mga pinaslang na mamamahayag ay walang sapat na mga credentials kung kaya’t naging bulnerable sila sa krimen. Walang ipinag-iba ang pahayag na ito sa pagsasabing may makatarungang dahilan upang kumitil ng buhay ng mga mamamahayag, Kahiya-hiyang nanggaling mismo sa pangulo ng bansa ang pagtatanggol sa mga may pakana ng masaker imbis na maging kaisa ng mamamayan sa pagsingil para sa katarungan.

Anumang pagmamalinis, walang pagtatangging hindi baguhan si Aquino sa usapin ng pagpaslang ng mga mamamahayag at pagsupil sa karapatan ng malayang pagpapahayag. Sa ilalim ng kanyang pamumuno 30 kaso ng pagpatay ang naitala sa buong bansa at kakarampot na bilang lamang ng mga may sala ang nahatulan. Katunayan, ikatlo ang Pilipinas sa buong daigdig sa pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag.

Nangungunang kasangkapan ni Aquino ang mersenaryong hanay ng Philippine Army sa pagpapakana ng mga pagpatay sa mga mamamahayag na naninindigan sa kanilang sinumpaang tungkuling maging boses ng naaapi at tumuligsa sa mga anti-mamamayang sabwatan sa loob ng gubyerno.

Sa ating rehiyon, nananatiling target ng mga pagpaslang at iba pang inhustisya ang mga mamamahayag. Kalahati sa kabuuhang bilang ng mga pinatay na kasapi ng midya sa rehiyon mula sa taong 1986 ay naganap sa panunungkulan ni Aquino. Lahat ng kaso ng pagpatay ay may kaugnayan sa pulitika at idinirehe ng mga elemento ng militar. Ilan na rito sina Miguel Belen ng DWEB-FM na pinaslang noong 2010 sa Nabua, Camarines Sur; si Romeo Olea, brodkaster ng parehong istasyon, na pinaslang noong 2011 sa Iriga, Camarines Sur; at nitong Agosto si Teodoro Escanilla, tagapagsalita sa programa sa radyong Pamana ng Lahi, na pinaslang sa kanyang tahanan sa Barcelona, Sorsogon.

Dismayado ang mamamayan ng Kabikulan sa kawalan ng aksyon, at mas masahol pa nga ay pangunguna mismo, ang gubyerno sa patuloy na pagpatay sa mga mamamahayag na nangangahas maglantad sa kabulukan ng kasalukuyang estado. Nagsusumigaw ang mahabang listahan ng mga pinatay na brodkaster, manunulat, at iba pang kasapi ng midya na tinuturing na kaaway at target ng rehimeng Aquino ang sinumang tumuligsa at magsalita laban sa patuloy na pagsasamantala ng mga burukrata kapitalistang namumugad sa posisyon. Hindi mapagpapanggapan ng puro hanging pangako ng hustisya ni Aquino ang mamamayan. Buo ang katotohanang walang pagtatangi ang rehimen sa mga sibilyan at lantaran ang kawalan ng respeto sa mga karapatang pantao. Umaalingasaw ang kabulukan ng dogma ng tuwid na daang isinasalaksak ni Aquino sa isipan ng mamamayan.

Kaisa ng mamamayan, kinukundena ng National Democratic Front-Bicol (NDF-Bicol) ang rehimeng Aquino sa pagiging pangunahing may pakana ng higit pang krimen laban sa kasapian ng midya at sa patuloy na pagsasawalam-bahala sa mga naitalang kaso ng pagpaslang na nananatiling nakabukas at walang naparurusahan. Ang Maguindanao Massacre gayundin ang mga pagpaslang sa mga lokal na mamamahayag sa Bikol ay malinaw na larawan ng hungkag na burgis demokrasya ng kasalukuyang rehimen kung saan nakabusal pa rin ang bibig ng bawat mamamahayag na kukwestyon sa mga anti-mamamayang patakaran ng rehimen.

Higit kailanman, ngayon ang panahon upang magkaisa ang lahat ng kasapian ng midya at ang malawak na hanay ng mamamayan upang singilin ang pasistang rehimen sa inutang nitong dugo sa bayan. Walang aasahang katarungan sa isang rehimeng ang tanging isinasaalang-alang ay ang pagsasalba sa sarili at ang higit na pagpapasasa sa pagod at lakas ng taumbayan. Ang tanging landas na tunay na magbibigay laya sa mga mamamahayag at magbibigay boses sa mamamayan ay ang landas ng pagrerebolusyon. Ang ika-anim na anibersaryo ng Maguindanao Massacre ay hamon sa bawat mamamahayag na mangahas bumalikwas mula sa isang sistemang batbat ng kawalan ng hustisya at panganib para sa mga naninindigan kasama ang masa. Isulong ang malaya at mapagpalayang pamamahayag! Isulong ang rebolusyong Pilipino!

Ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag sa pagsisiwalat ng katotohanan

Mahigpit na pagkakaisa sa lahat ng mamamahayag

Mangahas makibaka para sa pambansang kasarinlan at demokrasya.

Ka Marian Roja Banua

National Democratic Front-Bikol

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s