Isang Drone na Ginagamit sa Paniktik ng Tropang US Bumagsak sa Masbate

WIKIPEDIA

Photo from Wikipedia

Pahayag sa Media
Enero 7, 2013

Isang Drone na Ginagamit sa Paniktik ng Tropang US Bumagsak sa Masbate:
Walang-Pakundangang Paglapastangan ng Imperyalistang US sa Soberanya ng Bansa

Isang drone o unmanned aerial vehicle (UAV) na ginagamit ng tropang US at Armed Forces of the Philippines ang bumagsak sa Sityo Tacdugan, Bgy. Bagahanglad, San Jacinto sa isla ng Ticao, Masbate nitong Enero 6 bandang alas-9 ng gabi. Ang drone ay may habang 12 piye at 11 pulgada (12 feet, 11 inches), may sukat na 3.94 metro ang lapad ng pakpak nito, at may mga tatak na AERIAL TARGET DRONE BQM-74E Chuckar III Part No. 89500 at iba pang mga detalye.

Dapat papanagutin ang papet na rehimeng Aquino sa sukdulang pagpapakatuta sa imperyalismong US at pagpapahintulot dito na walang-pakundangang lapastanganin ang pambansang soberanya ng bansa. Hindi lingid sa publiko na mismong ang papet na pangulong si Benigno Aquino III ang nagdeklarang maaaring lumipad ang mga drone ng US sa teritoryo ng Pilipinas anumang oras na gustuhin nila.

Tahasang pinahihintulutan ng papet na rehimeng Aquino ang mga tropang US na direktang lumahok sa operasyong kombat ng AFP sa pamamagitan ng paniniktik at paggamit ng mga high-tech na kagamitang militar laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng Bagong Hukbong Bayan. Hinahayaan din nitong magpatrulya sa karagatan ng Pilipinas ang mga barkong pandigma ng US na may dala-dalang armas nukleyar at ang paggamit ng mga daungan at pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nitong Enero lamang ay dumaong sa Subic Bay ang barkong pandigma ng US na USS Bremerton (USS-698) na pinaniniwalaang may dala-dalang mga armas nukleyar. Noong nakaraang taon ay 80 beses na dumaong sa mga pantalan ng bansa ang mga barkong pandigma ng US.

Noong 2009 ay naiulat ang pagbagsak ng isang drone ng US sa bayan ng Pio V. Corpuz sa probinsya ng Masbate sa panahon ng Balikatan Exercise ng tropang US at AFP sa rehiyong Bikol.

Nalalagay sa malaking panganib ang buhay ng maraming sibilyan sa paggamit ng mga drone ng US hindi lang sa paniniktik kundi sa tuwirang paggamit dito para sa pambobomba. Maraming sibilyan kabilang ang mga bata, kababaihan at matatanda ang naging biktima ng pambobomba ng drone ng US sa Afghanistan, Pakistan at iba pang bahagi ng daigdig.

Dapat tuluy-tuloy na ilantad at labanan ng mamamayang Pilipino ang pinatitinding armadong interbensyon ng imperyalismong US sa bansa. Dapat paghandaan ang digmang agresyon ng imperyalismong US sa susunod na mga taon.

Gregorio “Ka Greg” Bañares
Tagapagsalita ng NDFP-Bicol

email: ndfbicol@gmail.com
facebook: http://www.facebook.com\greg banares
blogsite: http://www.ndfpbicol.blogspot.com; http://www.ndfbicol.wordpress.com

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s