PANIBAGONG BIGWAS NG BHB LABAN SA OPLAN BAYANIHAN SA BIKOL

National Democratic Front of the Philippines
Bicol Region

Pahayag sa Media
26 Setyembre 2011

Patuloy na binibigwasan ng malaganap na mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan ang Oplan Bayanihan (OPB) ng rehimeng US-Aquino sa rehiyon. Ito ang makatarungang tugon ng rebolusyonaryong kilusan sa kahilingan ng mamamayan na parusahan ang rehimeng US-Aquino sa walang lubay na pagpapahirap at panlilinlang sa mamamayan habang walang puknat ang paninibasib ng malupit na operasyong militar at civil-military operation (CMO) ng 9th Infantry Division ng Philippine Army (9th IDPA) at Philippine National Police (PNP) sa kanayunan.

Sa natipong ulat ng NDF-Bicol Information Office umabot sa 31 ang kumpirmadong kaswalti sa AFP at PNP sa 14 na labanang naiulat mula Agosto 15 hanggang Setyembre 23. Sa kabuuang bilang ng kaswalti, 5 ang patay at 18 ang sugatan sa 9th IDPA habang 8 ang sugatan sa PNP.

Narito ang listahan ng mga labanang naganap sa rehiyon:

1. Bago mag-hatinggabi ng Setyembre 23, inatake ng isang iskwad ng Celso Minguez Command ng BHB-Sorsogon ang istasyon ng pulisya sa bayan ng Barcelona. Sugatan ang tatlong pulis na sina PO2 Joel Encinares, PO2 Jessie Dolueras, at PO1 Escreza.

2. Noong Setyembre 22 bandang alas-sais ng umaga magiting na binigo ng isang platun ng Celso Minguez Command ang patraydor na pag-atake ng mga tropa ng 93rd Division Reconnaissance Company (DRC) at 903rd Brigade sa Bgy. Bacalon, Magallanes, Sorsogon. Ayon sa mga residente ng lugar, namatay ang isang sundalo at sugatan ang di-bababa sa tatlong iba pa na dinala sa isang ospital sa bayan ng Casiguran, Sorsogon. Gabi pa lamang ng Setyembre 21, habang umiiral ang pekeng suspension of offensive military operations (SOMO) ng AFP, ay pumasok na ito sa lugar at pumusisyon sa mabundok na bahagi ng Bgy. Bacalon.

Bandang alas-8:30 ng umaga ay inambus ng isang iskwad ng Celso Minguez Command ang isang KM450 trak na puno ng sundalo ng 49th Infantry Battalion na susuporta sa mga tropa ng 93rd DRC sa Bgy. Bacalon, Magallanes. Pinasabugan ito ng command-detonated landmine pagdating ng Bgy. Cadandanan, Bulan, Sorsogon. Wasak ang sasakyan at namatay ang dalawang sundalo at sugatan ang anim na iba pa. Isinakay sa mga ambulansya ang mga kaswalti ng militar at dinala sa isang ospital sa bayan ng Irosin, Sorsogon. Sumaklolo rin ang dalawang helikopter ng AFP at kinuha ang kanilang mga sugatan.

3. Noong Setyembre 22 at 23 ay hinaras naman ng mga pulang mandirigma ng Santos Binamera Command ng BHB-Albay ang nag-ooperasyong militar na nagpapanggap na “community peace and development team” (CPDT) sa mga barangay ng Bololo at Batbat sa bayan ng Guinobatan.

4. Binigo naman ng isang platun ng BHB ang pag-atake ng 49th Infantry Battalion sa Bgy. Bogtong, Barcelona, Sorsogon noong Setyembre 17. Pinasabugan ito ng command-detonated landmine habang papalapit sa pusisyon ng mga pulang mandirigma. Namatay ang isang sundalo at sugatan ang isa pa.

5. Inambus ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Armando Catapia Command ng BHB-Camarines Norte ang mga sundalo ng 92nd Division Reconnaissance Company (DRC) noong Setyembre 15 sa Bgy. Malangkaw Basud, Labo. Galing sa isang operasyong militar ang mga sundalo at pauwi na sa kanilang kampo nang tambangan ng mga pulang mandirigma. Sugatan ang limang sundalo na nakilalang sina Pfc. Marlon Gastillo, Pfc. Mark Anthony Villaruel, Pfc. Jenear Bitagara, Pfc. Larry Joshua Magalona at isa pang di pinangalanang sundalo.

6. Inambus ng isang yunit ng Santos Binamera Command ng BHB-Albay ang tatlong sundalo ng 2nd Infantry Battalion na sakay ng dalawang motorsiklo sa Bgy. Maninila, Camalig, Albay noong Setyembre 6. Nasamsam ng mga pulang mandirigma ang isang ripleng M-16 sa nasawing si Cpl. Narito na kumander ng detatsment ng 2nd IB sa Bgy. Taplacon, Camalig.

7. Hinaras naman ng isang iskwad sa ilalim ng Celso Minguez Command ng BHB-Sorsogon ang nag-ooperasyong tropa ng 49th Infantry Battalion sa Bgy. Mapaso, Irosin noong Setyembre 5.

8. Noong Setyembre 3 ng madaling araw, inambus ng mga pulang mandirigma ng Nerissa San Juan Command ng BHB-Catanduanes ang mga pulis sa Bgy. Mabini, Caramoran. Sugatan ang Deputy Chief of Police ng Caramoran Municipal Police Station na si Inspector Rene Bea at apat pa nitong kasamahang pulis.

9. Tatlong sundalo ng 7th Scout Ranger Company ang sugatan nang tambangan ng mga pulang mandirigma ng Santos Binamera Command ng BHB-Albay sa Bgy. Morera, Guinobatan noong Agosto 31 ng umaga. Kinilala ang mga sugatang sundalo na sina Sgt. Rolly Intan, Pfc. Jaya Disamparado, at Pfc. Jerwin Armejo. Pauwi na sa kanilang kampo sa Pili, Camarines Sur ang mga sundalo galing sa isang operasyong militar sa probinsya ng Sorsogon nang paputukan ng mga pulang mandirigma malapit sa sentrong bayan ng Guinobatan.

Bago nito, sunud-sunod na hinaras at inisnayp ng mga pulang mandirigma ang berdugong tropa ng 2nd Infantry Battalion na nagpapanggap na “community peace and development team” (CPDT) at naglulunsad ng panghaharas, pananakot, pambubugbog at iba pang kalupitan sa mamamayan ng 11 barangay ng Guinobatan, Albay.

Walang namatay o kaya’y malubhang nasugatan sa panig ng mga pulang mandirigma sa naturang mga labanan. Ipinapakita nito ang determinadong pagtataas ng kahandaan, disiplina at kakayahang militar ng mga pulang mandirigma, mahusay na koordinasyon at suportahan ng mga larangang gerilya sa iba’t ibang probinsya, at ang malawak at malalim na suportang masa. Mas malalaki pang tagumpay sa larangan ng armadong pakikibaka ang tiyak na matatamo ng BHB habang puspusang ginagampanan ang lahatang-panig na pagpapalakas na nakatanaw sa pag-igpaw tungo sa estratehikong pagkapatas sa susunod na limang taon.

Gregorio “Ka Greg” Bañares
Tagapagsalita ng NDF-Bicol

email: greg_banares@yahoo.com/
ndfbicol@gmail.com

website: http://www.ndfbicol.wordpress.com
twitter account: http://www.twitter.com/ndfbicol
facebook account: greg banares

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s