Alaala sa Paggunita ng Pag-aalay ng Buhay ni Romulo Oliveros, Gil Lacsamana

Alaala sa Paggunita ng Pag-aalay ng Buhay ni  Romulo Oliveros (Ka Mario) , Gil Lacsamana (Ka Boy), kasabay ang apat pang kasama  noong Hunyo 7, 2000.

(Mula sa librong Pa-iraya/Maaaring mag-download ng kopya sa www.silyab.wordpress.com)

Ka Mario (Romulo Oliveros)

 Ipinanganak si Kasamang Romulo Oliveros sa isang pamilya ng mayamang magsasaka sa Buhi, Camarines Sur noong 1950. Nagtapos siya doon ng elementarya bilang class valedictorian. Napansin ng isang pari ang kanyang angking sipag at kagandahang-loob at tinulungan siyang makapasok ng hayskul sa Ateneo de Naga, kung saan nagtapos siyang may mataas na karangalan. Gawa ng kahirapan, kinailangang magtrabaho ni Romulo upang makapasok sa kolehiyo. Namasukan siya sa electrical department ng Colgate-Palmolive habang kumukuha ng kursong Commerce sa University of the East. Doon na siya unang naugnayan ng kilusan at naorganisa sa Kabataang Makabayan (KM). Aktibo siyang kumilos sa KM kung saan humawak siya ng mahahalagang tungkulin. Noong 1972, nang ideklara ang Martial Law, imbes na matakot ay ipinagpatuloy niya ang paggampan sa mga rebolusyonaryong gawain, naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas. Itinalaga siya sa isang organong pandistrito sa Maynila bilang organisador sa mga manggagawa at komunidad.

Mula noon hanggang sa kahuli-hulihan, nag-alay si Ka Mario ng kanyang lakas at panahon bilang isa sa pinakamahuhusay na kadre ng rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Bilang huwarang kadre at lider, maraming mahahalagang gawaing Pampartido ang ginampanan ni Ka Mario.

 Noong dekada Sitenta, gumampan siya ng malaking papel sa pagsulong ng kilusan sa rehiyong Bikol hanggang sa pagbubuo ng regular na komiteng panrehiyon. Noong 1974, naging kasapi siya ng Bicol Technical and Liaison Staff, na may tungkuling kumontak at makipag-ugnayan sa mga kasama sa Timog Luzon at sa ibang bahagi ng bansa. Sa huling bahagi ng taong ito, isang serye ng pag-aresto ang dumurog sa grupong kinapapalooban ni Ka Mario, ngunit nagsikap siyang umugnay muli sa mga kasama at nagpatuloy sa pagkilos sa puting purok. Noong 1975, naging kasapi siya ng bagong-tatag na Ad Hoc Urban Committee sa Bikol. Pagkaraan ng isang taon, isa siya sa mga naging unang kasapi ng Ad Hoc Regional Committee at mula noon ay buong-panahon nang itinalaga sa paggampan ng gawain sa kanayunan. Noong 1977, itinalaga siya sa gawaing instruksyon, na nagluwal ng balangkas ng bersyon ng Bikol ng Saligang Kursong Pampartido (SKP). Noong 1978, itinalaga siya sa isang komiteng purok kung saan kanyang pinangunahan ang pagsusulong ng kumprehensibong gawaing panteritoryo sa patnubay ng dokumentong Ang Mahigpit Nating Tungkulin (MNT). Noong 1979, binuo ang isang Pansamantalang Komiteng Rehiyon sa Bikol (PKR-BK). Isinagawa rin ang unang bats ng pag-aaral sa BKP, na pinangunahan mismo ni Ka Mario katuwang ang nasa Pambansang Kawanihan sa Instruksyon. Naging kalihim siya ng Komiteng Subdistrito ng isang erya sa Camarines Sur. Pagdating ng dekada Otsenta, nasa unahan si Ka Mario ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at pag-alalay dito sa gitna ng paglihis.

Noong 1981, dumalo si Ka Mario bilang delegado sa Unang Panrehiyong Kumperensya at nahalal siyang kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon (KT-KR). Sa mga panahon ding ito, nagsimulang sumikad ang kumprehensibong gawaing masa sa rehiyon. Matatag na nanindigan si Ka Mario maging sa gitna ng matinding adbenturismong militar, papalalang paglihis sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, pagbagsak ng baseng masa at iba pang kahirapang ibinunga ng sitwasyon. Hinarap niya ang kagyat na mga problemang pang-organisasyon sa abot ng kanyang makakaya. Pagkatapos ng ilang panahon, naging kagawad siya ng kalihiman ng KR. Isa sa mga tungkulin niya ang pangangasiwa sa gawaing urban. Sa pamamagitan ng kanyang mahusay na paggabay, lagi’t laging naibabangon at muling napapasigla ang kilusang masa sa lungsod tuwing pinapabagsak ito ng pasistang kaaway. Pinangunahan ni Ka Mario ang paglulunsad ng Ikalawang Panrehiyong Kumperensya noong 1986. Matingkad sa alaala ng mga kasama ang madamdaming pagbubukas niya noon ng kumperensya. Hindi niya natapos ang kanyang pambungad na mensahe dahil naging napaka-emosyonal niya. Labis niyang ikinagalak ang naging bunga ng lahat ng paghahanda para sa kumperensya kaya’t napaiyak siya. Siya ang ibinotong kalihim ng Komiteng Rehiyon ng lahat ng delegado sa kumperensya. Linagom dito ang huling limang taon ng rebolusyonaryong gawain sa rehiyon. Ang mga taong 1987 at 1988 ang pinakamabigat para kay Ka Mario kung ang pagharap sa mga pinakamalalang epekto ng mga pagkakamali sa Partido ang pag-uusapan. Hindi niya maitago ang kanyang galit sa mga maling aktitud ng mga kasama tulad ng pag-inom at paglabag sa disiplina. Linabanan niya ang ganitong mga gawi at ipinokus na lamang niya ang kanyang sarili sa pag-aaral ng iba’t ibang aspeto ng rebolusyonaryong gawain sa rehiyon upang mapangibabawan ang masamang epektong dulot ng mga paglihis. Pinangunahan niya ang maraming pagsasanay at pag-aaral tulad ng Freddie Gacosta Paaralang Pangkadre (FGPK) at ng paglalagom ng gawaing masa at rebolusyong agraryo, at iba pang mahahalagang proyektong mapagpasya sa konsolidasyon ng Partido sa rehiyon. Tiniyak niyang hindi lumaki ang pinsala sa kilusang masa sa urban pagkatapos isalbeyds ng militar ang ilang mga lider nito noong 1989.

Bilang kalihim ng KR, pinangunahan ni Ka Mario ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992. Nang dumating ang mga dokumento ng Pagwawasto, hindi siya nagdalawang-isip sa pagyakap ng kampanyang pag-aaral para sa pagpawi ng mga kamalian at muling pagbubuo ng kilusan. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral at pagsasadokumento ng anumang magpapaunlad sa alinmang aspeto ng rebolusyonaryong gawain, laluna ang gawaing masa. Ang pagsusulat ng Gabay sa Gawaing Masa (GGM) ang isa sa mga kongkretong ambag ni Ka Mario sa mapagpasyang pagbawi ng baseng masa ng buong kilusan sa rehiyon. Personal niya ring diniinan ang kahalagahan ng Tatlong Antas na Kursong Pampartido. Dagdag pa, pinamunuan niya rin ang pagsusulat ng borador ng 12-taong Paglalagom ng Rehiyon, na naging susi sa paglulubos ng kilusang pagwawasto sa Bikol. Sa kanyang mahusay na pamumuno, lahatang panig na umabante ang rebolusyonaryong gawain sa Bikol hanggang sa ganap na naitayo ang mga Komiteng Prubinsya. Malalim ang pagkakaugat ng naging kontribusyon ni Ka Mario sa kilusang rebolusyonaryo sa rehiyon. Ayon sa isang kasama, inaani pa natin hanggang ngayon ang binhing kanyang ipinunla. Kahit wala na siya, naibahagi niya sa mga kasama ang malalim niyang pagsapol sa batayang mga prinsipyo at sa partikular na sitwasyon ng rehiyon. Mahusay niyang naitakda ang direksyon para sa lahatang-panig at sustinidong pagsulong ng kilusan sa Bikol.

Para sa mga kasamang nakakakilala kay Ka Mario, siya ay tahimik ngunit malalim na tao, mapagkumbaba at payak, ngunit matalino at matatag. Mahinahon at sa pinakasimpleng paraan niya ipinapahayag ang kanyang opinyon sa maraming pagkakataong nahaharap siya sa ibang pagtingin ng ilang kasama. Binibigyan niya ng pagkakataon ang ibang kasama upang ipahayag ang kanilang damdamin. Tahimik siyang nakikinig sa lahat. Kung ang pasya ng kolektibo ay taliwas sa kanyang sariling pagtingin, ipinapailalim niya rito ang kanyang sarili bilang pagrespeto sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo at kolektibong pamumuno. Dahil sa kanyang malalim na pagkaunawa sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang kanyang pagtingin ay kadalasang napapatunayang tama. Matatag siyang naninindigan sa kanyang opinyon ngunit maingat niya itong ipinapaliwanag upang ipaunawa sa iba ang kawastuhan nito. Pinaunlad ni Ka Mario ang kanyang mahusay na pagkaunawa ng teorya sa pamamagitan ng maraming oras ng pagbabasa at pag-aaral. Matalas niyang nailalapat ang mga kaalamang ito sa praktika, at isinasagawa ito nang may mahusay na pag-aanalisa, pagbubuod at pagpapahayag nito sa pinakasimpleng paraan. Ang kanyang di-matatawarang kakayahan sa pagsusulat ay nakatulong sa pagbubuo ng mahahalagang dokumento at pasya sa rebolusyonaryong gawain sa Bikol. Siya rin ang nanguna sa malawakang paggamit ng kompyuter sa rehiyon. Pinag-aralan niya ang paggamit nito at laging handang ibahagi sa iba ang kanyang kaalaman sa modernong teknolohiya para sa ikasusulong ng rebolusyon.

Wala siyang trabahong inatrasan, maging pisikal. Hindi siya nag-alangang tumulong sa pagkuha ng kahoy, pag-igib ng tubig, pagluluto o paghuhugas ng pinggan. Maging sa gitna ng krisis, hindi kailanman lumayo sa rebolusyon si Ka Mario. Nanatiling matatag ang kanyang paninindigan sa rebolusyon sa harap ng sakripisyo at kahirapang kaakibat ng kanyang mga responsibilidad. Nang punahin ang kanyang kakulangan sa integrasyon sa ibang kasama, nagsikap siyang paunlarin ang kanyang relasyon sa kanila. Kahit na maaari naman niyang gawing dahilan ang kanyang likas na pagiging tahimik, nagpursige siyang ituwid ang kanyang pagkukulang. Ngunit marami rin namang ibang kasamang may pagtinging madali siyang lapitan at madaling makasundo kahit sa personal na antas. Ang kanyang paggabay sa usapin sa pulitika at maging sa mga personal na usapin ay naging bahagi na ng buhay ng maraming kasama. Kahanga-hanga ang kanyang lubos na pagpapahalaga sa kapakanan ng mga kasama. May isang pagkakataong binigyan niya ng tsinelas ang isang kasamang nangangailangan nito. Pagkuwa’y napansin na lamang ng kasama na nakayapak na lang si Ka Mario.

Walang bahid ng pagmamalaki si Ka Mario. Minsan ay nakituloy sila sa isang baryong hindi pa gaanong naaabot ng kilusan. Bagamat pagod at gutom, hindi nagreklamo o nanghingi ng pagkain si Ka Mario. Tumulong na lamang siya sa pagtatanim ng palay. Gawa ng init at gutom, nahimatay ang kasama. Hindi siya nalimutan ng mga tao doon at ang kwentong ito ang naging tuntungan ng mga kasama upang mapaunlad ang kilusan sa erya.

Bukod sa pagiging ulirang rebolusyonaryo, hindi rin nakaligtaan ni Ka Mario ang pagtataguyod ng isang rebolusyonaryong pamilya. Mahal na mahal niya ang kanyang asawa at mga anak. Mayroong mga nakatakdang pagbisita ang kanyang pamilya sa kanayunan upang hindi niya maiwan ang mahahalagang gawain. Nang magkasakit ang isa niyang anak, ginugol niya ang kanyang bakasyon sa isang pampublikong ospital. Hindi siya humingi ng tulong pinansyal sa organisasyon, bagkus ay pumila na lamang sa charity ward. Noong kinailangan nang operahan ang bata ay saka lamang siya humingi ng tulong sa organisasyon, dahil na rin sa pamimilit ng ibang malalapit na kasama. Patuloy niyang sinubaybayan ang kalagayan ng anak niyang ito. Palagi rin siyang mayroong litrato ng lahat ng kanyang mga anak sa loob ng pitaka.

May pagmamahal din si Ka Mario para sa sining, musika at kultura. Ang kanyang paghanga sa magagandang mga obra ay nakatago sa kanyang simple at di-makasariling buhay kaya’t kaunti lamang ang nakakaalam nito. Gustung-gusto niya ang mga klasikal na musika, klasikal na mga nobela, mga nililok na obra at magagandang pelikula. Taglay niya ang pagpapahalaga sa pagpapataas ng masining na pamantayan habang mulat na ikinukumbina ang pampulitikang pamantayan sa sining at panitikan. Mayroon din siyang naisulat na mga tula. Ang mga kasama ng henerasyong ito at ng mga susunod pang henerasyon ay makakakuha ng di- matutumbasang mga aral mula sa buhay at pagkilos ni Ka Mario. Ang kanyang halimbawa at paggabay ay malalim nang nakaugat sa puso ng maraming rebolusyonaryong masigasig na nagpapatuloy ng pakikibakang pinaglaban ni Ka Mario at ng lahat ng rebolusyonaryong martir. Maaaring patayin ng kaaway ang pinakamahuhusay sa atin, ngunit sa puso ng rebolusyon, mananatili silang buhay magpakailanman.

Matalinghaga ang inspirasyong iniwan ni Ka Mario upang sikapin nating maging tunay na mga proletaryado, sa pag-alay ng ating husay sa masa at sa rebolusyon, hanggang sa huling hininga. –

– – Nakilala rin siya ng mga kasama at masa bilang Ka Pekto, Ka Ipe, o Ka Edel. Nagbuwis ng buhay si Ka Mario, kasabay ang apat pang kasama, sa isang depensibang labanan noong Hunyo 7, 2000 sa Camarines Norte. Sinikap pa sana niyang maitakas ang mahahalagang dokumento at kagamitan ng Partido, ngunit hinagip siya ng mga punglo mula sa blocking force ng pasistang kaaway.#

download-romulo-oliveros-biography

——————————————————————————————————————————————

Ka Boy / Arsenio Gil Lacsamana
April 29, 2011 by silyab

Ka Boy  (Arsenio Gil Lacsamana)

May bantayog na ibinabaon sa puso’t diwa ng masa. May dambanang muli’t muling ipinupundar, pinatatayog ng mga kasama. Muog na siyang ititindig at imumuhon sa harap ng tarangkahan ng kaaway, at siya ring dadagok at dudurog sa kanila.

Ang muog na ito’y si Ka Boy, hinubog at pinatatag ng rebolusyon. Mula sa mataas na saray ng petiburgesya, tinibag niya ang kanyang uri at piniling tahakin ang landas ng proletaryado. Si Ka Boy, na nakilala rin bilang Ka Burol, Ka Mumar at Ka Angel, ay may dakilang kasaysayan ng paglilingkod sa rebolusyonaryong kilusan sa loob ng 30 taon. Sa rebolusyon unti-unting dinurog ni Ka Boy ang pinagmulang uri at hinubog ang sarili bilang tagapaglingkod ng sambayanan.

Ipinanganak si Kasamang Arsenio Gil Lacsamana noong Agosto 29, 1950 sa Maynila. Hindi naging mahirap para sa kanyang mga magulang na mabigyan siya ng sapat na edukasyon. Nag-aral si Ka Boy sa De La Salle High School sa Lipa, Batangas. Nagtapos siya ng kursong Liberal Arts at Education sa De La Salle University sa Maynila. Kumuha rin siya ng masteral degree sa History sa UP. Pinangarap din niyang maging pari.

Subalit higit na nanaig kay Ka Boy ang lubusang paglilingkod sa sambayanan. Unang taon pa lang  niya sa kolehiyo, naging aktibista na siya. Nakadalo siya sa unang demonstrasyon ng  De  La Salle University noong 1970, kung saan pinasista ang mga estudyante sa harapan ng Kongreso.

Mula noon, naging aktibo si Ka Boy sa mga demonstrasyon, rali at discussion groups ng  Kabataang Makabayan (KM) at ng  Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) noong ikalawang hati ng 1970. Naging secretary general siya ng Student Alliance for National Democracy (STAND) noong 1974.

Hindi lamang mga demokratikong karapatan at kahilingan ng kabataan ang ipinaglaban ni Ka Boy. Nakipamuhay at nag-organisa din siya ng mga mangingisda sa Parañaque at Rizal, sa ilang pabrika sa Mandaluyong at sa komunidad ng mga manggagawa sa Sta Mesa, Maynila.

Sa araw mismo ng pagdeklara ng mapanupil na Martial Law noong Setyembre 21, 1972, sumumpa siya bilang kandidatong kasapi ng Partido Komunista. Pagkatapos ng dalawang taon, naging ganap na siyang kasapi ng Partido. Nakilala siya ng mga kasama sa kalunsuran bilang Ka Burol.

Bilang pagtugon sa estratehiya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, ilinipat si Ka Boy sa rehiyong Bikol noong Pebrero 1975. Walang pag-aatubiling tumalima siya sa paggampan ng mahahalagang gawain sa pagpupundar ng rebolusyon sa Bikol. Una siyang itinalaga bilang pangalawang kalihim ng Bicol Liaison and Technical Staff, na siyang nangasiwa sa koordinasyon ng gawain sa kilusang lihim. Nang lumao’y naging pangalawang kalihim siya ng Ad Hoc Komite sa Puting Purok sa Bikol, na siyang namuno sa pagsusulong  ng  kilusang masa sa kalunsuran. Isa si Ka Boy sa mga delegado sa ikalawang plenum ng Ad Hoc Komite noong Nobyembre 1976 hanggang Pebrero 1977. Kabahagi si Ka Boy sa masikhay na nagpursige para maitayo at mapayabong ang kilusang lihim sa kalunsuran.

Nobyembre 1978, itinalaga si Ka Boy sa gawain sa kanayunan. Nakilala ng masa at hukbo ang mapagpakumbabang kasama bilang Ka Angel at Ka Mumar. Nakatulong siya sa gawain ng Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) at ng Pangkat sa Pagpapatatag (PPT) na nagtayo ng baseng masa sa bahaging Oas, lbay.

Itinalaga si Ka Boy bilang kalihim ng istap sa Silyab noong Marso 1979. Siya  rin ang naging pangalawang kalihim ng Panrehiyong Kawanihan sa Instruksyon noong Setyembre 1979. Pinangunahan ni Ka Boy ang pagpapalaganap ng bagong Batayang Kursong Pampartido (BKP) sa buong rehiyon.

Taong 1980, naging kalihim siya ng Panrehiyong Kawanihan sa Propaganda habang gumagampan din siya ng mga gawain sa Panrehiyong Kagawaran sa Edukasyon. Mula 1980 naging kalakaran na sa Bikol ang pagbibigay sa kasapian ng Partido ng 13 paksa ng BKP bilang pambansang kurikulum. Sa paraang ito, kumprehensibong natalakay ang mga saligang linya  at prinsipyo. Pinangunahan niya ang masiglang kampanyang edukasyon para maihanda ang mga kadre at kasapi ng Partido sa pagharap sa mahahalagang usapin kaugnay sa rebolusyonaryong pagkilos.

Mula noong huling bahagi ng 1982, masikhay na gumampan si Ka Boy ng mga gawain sa pagtatayo ng baseng masa sa kanayunan. Itinalaga siyang kalihim ng komiteng subdistrito na sumasaklaw noon sa ilang bayan ng unang distrito ng Albay at ikaapat na distrito ng Camarines Sur. Naging kalihim din siya ng komiteng distrito na sumasaklaw noon sa Libmanan-Bato-Balatan erya. Nang buuin ang Komiteng Larangan (KLG) sa Camarines Sur noong 1983, naging kagawad siya ng komiteng tagapagpaganap ng KLG. Itinalaga siyang kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon (KT-KR) noong 1985.

Sa ikalawang panrehiyong kumperensya noong 1986, muli siyang nahalal bilang kagawad ng KR. Bilang myembro ng Kalihiman ng KR, itinalaga siya sa gawaing edukasyon. Sa plenum noong 1993 at 1995, muli siyang nahalal sa kalihiman ng KR.

Bawat tipak ng kanyang muog ay hinulma ng puspusang pag-aaral at pagkilos. Sinamantala ni Ka Boy ang bawat pagkakataon upang matuto at magpalalim ng mga bago at wastong kaalaman at buong alab niya itong ibinabahagi sa mga kasama.  Laging handang matuto at buong sigla siyang umaangkop sa mga kalagayan. Kinakabisa niya ang mga bagong kagamitan at teknolohiya, tulad ng kompyuter, upang pagsilbihin ang mga ito sa rebolusyon. Wala siyang sinayang na panahon, matiyaga sa pag-aaral at pagpapalaganap ng napag-aralan.

Tagos sa kanya ang kahalagahan ng iba pang larangan ng gawain sa pag-aarmas ng sambayanan. Kaya’t maging sa pagtula, pagsulat ng iskrip at paglikha ng kanta ay taglay niya ang pagmamahal sa bayan at pagpupunyagi sa komunistang kaisipan.  Isa siya sa mga dumalo sa unang pambansang kumperensya ng Artista at Manunulat Para sa Sambayanan (ARMAS) sa Sorsogon noong 1986.

Hindi rin naging hadlang sa kanyang pagkilos ang kahinaan sa paningin gayundin sa pagkabisa ng lugar. Hangga’t kaya pa niyang gawin ay hindi siya nagpapatulong, bagkus ay buong pagsisikap siyang nagpapatuloy.

Maharap man sa mga tunggalian, nagsisikap si Ka Boy na maipaliwanag ang kanyang panig, at tumutupad pa rin sa pasya kahit ang lumitaw na panig ay di kanya. Bihira siyang magalit, at kung magalit man, kakikitaan lamang siya ng pamumula, pagkabalisa at bilis ng pananalita.

Sa pagharap ng panlalamig ng ibang kasama dahil sa sunud-sunod na depensibang labanan, nanindigan pa rin si Ka Boy sa rebolusyon. Minahal ng masa at hukbo ang kasamang nagrekober sa mga baryong naiwan at umagapay sa mga kasamang nanlamig.

Nakabaon na sa kalooban ng mga kasama ang muog ni Ka Boy. Imahe siya ng pag-uugat sa masa at kasama. Sa kabila ng kanyang mahahalagang responsibilidad, may panahon siya para sa integrasyon sa mga kasama. Umaapaw ang diwa ng mga kasama sa mga kwento ng kani-kanilang karanasan kapiling si Ka Boy. Bagamat ang ibang kwento’y naghahatid ng katatawanan, bawat alaala’y puno ng pagmamahal at pagdakila sa kasama.

Madaling lapitan at makapalagayan ng loob si Ka Boy, ang kasamang laging nakasumbrero, ang kasamang mababa lang at nakasalamin, ang kasamang malumanay magsalita. Kilala siya bilang kasamang nakakaalam ng partikular na interes ng iba pang kasama. Alaala si Ka Boy ng ikinokonsultang mga personal na problema, ng matiyagang pagtuturo ng kompyuter, ng pagbabalita tungkol sa pagkapanalo ng kanyang paboritong tim sa basketbol, ng ipinapadalang mga mumunting balita at litratong ginupit sa dyaryo, ng pakikipagsayaw sa kasama nang makarinig ng tugtog habang nasa lakaran, at marami pang ibang paggunita sa banayad niyang muog.

Maging sa pagpapamilya’y mapag-alala rin si Ka Boy, maasikaso sa kabila ng kanyang mga gawain. Lagi niyang inaalam ang kalagayan ng pamilya. Katuwang niya ang mga kasamang nagmamahal sa kanya sa pagharap sa mga hamon ng pagpapamilya.

Huwarang komunista.  Puspusan siyang nagpanibagong hubog ng sarili. Walang pag-iimbot, buong-tatag niyang hinarap ang mga sakripisyo at kahirapan na kaakibat ng pagrerebolusyon. Mula sa pagpapahalaga sa mga gamit, hanggang sa pagpapakatatag sa loob ng bilangguan, halimbawa si Ka Boy ng pag-aalay ng sarili. Hindi maselan at walang pagpipili ng mga gamit. Huwaran siya sa pagsasabuhay ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.

Nang mabilanggo siya noong 1987, sinikap niya pa ring magampanan ang mga gawain sa kabila ng mga limitasyon. Patuloy siyang umugnay sa mga kasama at nag-organisa sa loob ng kulungan — wagas na pag-aalay ng sarili para sa rebolusyon!

Pagkatapos ng kanyang pagkabilanggo, mahigit sampung taon siyang nanatili nang buong panahon sa kanayunan. Ni minsan, hindi siya nakadalaw sa mga kamag-anak at kaibigan sa kalunsuran. Bukal sa kanyang kalooban ang pagharap sa sakripisyong ito.

Inialay ni Ka Boy ang kanyang sarili para sa rebolusyon. At mainit siyang tinanggap at minahal ng masa at mga kasama.

Umaga ng Hunyo 7, 2000. Tinangkang tungkabin ng mga pasista ang muog ni Ka Boy. Kinubkob ang kampuhan ng mga kasama at isa siya sa mga namatay. Ibinuwal nila si Ka Boy, ngunit ang kanyang bantayog ay malaon nang nakapag-muhon sa kaloob-looban ng puso’t diwa ng masa at mga kasama. Pagkalalim-lalim ng kanyang pagkakaugat, na ang pangalan niya’y nagpapasikdo sa dugo ng masa at kasama,  at nagluluwal ng mas kabog-dibdib, mas talas-diwang pagrerebolusyon — ibayong pagkilos na pupuno sa puwang ng pagkakabuwal ni Ka Boy.

Ito ang magpapaguho sa kuta ng mga mapagsamantala’t mapang-api — ang pinaigting na pagkilos na kabiyak ng pag-alala. Sa unti-unting pagtibag sa pader na pinaglulukuban ng kaaway, dagdag na armas nating mga nagpapatuloy sa rebolusyon ang mga aral sa buhay at pakikibaka ng mga kasamang nagbuwis ng buhay. Ang alaala ng mga rebolusyonaryong martir ay lamat na magiging bitak at magpapabagsak sa balwarte ng kaaway. Dudurugin ang kanilang lungga ng alaala ni Kasamang Arsenio Gil Lacsamana, ang ni-minsa’y hindi-natinag na muog ni Ka Boy, isang huwarang komunista.#

download-arsenio-gil-lacsamana-biography

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s