Pahayag sa Aksyong Militar ng NPA sa Bikol para sa Oktubre 2010

National Democratic Front of the Philippines
Bicol Region

Pahayag sa Media
18 Oktubre 2010

Berdugong 9th Infantry Division ng Philippine Army Pinarusahan ng BHB

Naglunsad ng koordinado at sunud-sunod na mga taktikal na opensiba ang Bagong Hukbong Bayan sa rehiyong Bikol mula Oktubre 9 hanggang Oktubre 17 upang labanan at biguin ang pagpapatuloy ng malupit na Oplan Bantay Laya sa rehiyong Bikol.

Umabot ng 21 aksyong militar ang inilunsad ng BHB na kinabibilangan ng 13 operasyong haras, tatlong pagpapasabog, apat na pamamarusa, at isang ambus sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, at Masbate. Ito ang sagot ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagpapaigting ng 9th IDPA ng engrandeng saywar at marahas na armadong pagsupil sa paglaban ng mamamayan sang-ayon sa doktrina ng US Counter-Insurgency Guide na sinusunod ngayon ng rehimeng US-Aquino.

Tuluy-tuloy ang mababangis na special operations team sa mga sonang gerilya (tinatawag na SOT-Red Area) at sa mga sentrong urban ng rehiyon (tinatawag na SOT-White Area) upang wasakin ang demokratiko at rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan laban sa nakaambang malalaking dayuhang pagmimina, geothermal exploration, proyektong international airport sa Albay, dambuhalang dam sa Camarines Sur, mga proyektong eko-turismo, at iba pang proyektong may layuning kontra-insurhensya sa ilalim ng imperyalistang UN Millenium Development Goals (MDG).

Walang puknat at todo-todong paninira ang ipinakakalat ng 9th IDPA laban sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng gawa-gawa at pinalobong bilang ng umano’y “biktima ng extra-judicial killing” ng BHB, pagkakasangkot umano ng BHB sa panghoholdap, pag-kidnap, at iba pang kriminal na aktibidad, maramihang pagsuko, mass graves at iba pa.

Ang mga taktikal na opensiba ng BHB sa rehiyon ay bilang parusa rin sa karumal-dumal na mga krimen ng 9th IDPA sa mamamayan tulad ng pagmasaker sa tatlong miyembro ng pamilyang Lotino sa Bgy. Nabas-an, Daraga, Albay nitong Oktubre 11; pagmasaker ng apat na sibilyan sa Mobo, Masbate noong Setyembre 7; pagpaslang sa nahuling mga kadre ng BHB tulad ni Elmer “Ka Fredo/Gomer” Ocila noong Setyembre 22 sa Goa, Camarines Sur at Edgardo “Ka Ada” Lorilla noong Setyembre 13 sa Bula, Camarines Sur; at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.

Albay

Limang magkakasunod na pag-atake ang inilunsad ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Santos Binamera Command ng BHB laban sa berdugong special operations team (SOT) ng 2nd IBPA na patuloy sa pananakot, panghaharas at pamamaslang ng mga sibilyan sa ikalawa at ikatlong distrito ng Albay.

Noong Oktubre 10 bandang alas-8 ng gabi, hinaras ng isang tim ng BHB ang temporary patrol base ng special operations team (SOT) ng 2nd IBPA sa Bgy. Nagas, Oas, Albay. Kasunod nito, pinaputukan din ang mga TPB ng 2nd IBPA sa Bgy. Cabraran Pequeño, Camalig (alas-8:50 ng gabi); Bgy. Taplacon, Camalig (alas-9 ng gabi); at TPB ng 2nd IBPA sa Bgy. San Ramon, Daraga bago sumapit ang alas-10 ng gabi.

Ilang oras pagkatapos nito, pinaputukan naman ng BHB ang TPB ng 2nd IBPA sa Bgy. Oma-oma, Ligao City bandang ala-una ng madaling araw ng Oktubre 11.

Hindi matiyak ang bilang ng kaswalti sa militar dahil itinatago ito at hindi inaamin sa publiko ng kanilang mga upisyal.

Sorsogon

Apat na pag-atake, dalawang pagpapasabog at tatlong pamamarusa ang isinagawa ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Celso Minguez Command ng BHB laban sa malupit na special operations team (SOT) ng 49th IBPA at mga CAFGU at sundalo ng 22nd IBPA.

Noong Oktubre 9, alas-10:30 ng gabi, hinaras ng isang tim ng BHB ang mga sundalo at CAFGU ng 22nd IBPA na nagbabantay ng Globe Cellsite sa Bgy. Banwang Daan, Matnog. Nasugatan at dinala sa ospital ang dalawang sundalo sa limang minutong palitan ng putok.

Magkakasunod ding hinaras ng BHB ang malupit na SOT ng 49th IBPA noong Oktubre 11 ng umaga. Bandang alas-5:30 ng umaga nang paputukan ng BHB ang TPB ng SOT-49th IBPA sa Bgy. Marinas, Sorsogon City. Kasunod nito ay pinaputukan din ng BHB ang TPB sa Bgy. Cabigaan, Gubat (alas-6:30 ng umaga); at ang TPB sa Bgy. Sangat, Gubat bandang alas-8 ng umaga.

Oktubre 11, alas-8 ng umaga nang pinasabugan ng command detonated explosive ng isang tim sa demolisyon ng BHB ang isang military jeep na puno ng mga sundalo ng 49th IBPA sa Bgy. Buenavista, Irosin. Hindi napuruhan ang sasakyan ngunit gumewang-gewang ito sa kalsada at tinatayang may pinsala sa mga sundalo bunga ng epekto ng malakas na pagsabog.

Pagsapit ng alas-12:10 ng tanghali, pinasabugan ng isa pang tim sa demolisyon ng BHB ang isa pang trak na puno ng mga sundalo ng 49th IBPA sa Sityo Cagdagat, Bgy. Boton, Casiguran. Nasapol ng pagsabog ang trak at bumaliktad ito sa gilid ng national highway. Namatay ang apat na sundalo habang marami pa ang sugatan sa lakas ng dalawang pagsabog. Tinatayang di-bababa sa 15 sundalo ang sakay ng trak na pinamumunuan ng isang Lt. de Jesus. Agad na pinalibutan ng mga nagrespondeng sundalo ang lugar, walang-habas na nagpaputok ng mga baril upang palitawing nagkaroon ng labanan, at itinago sa publiko ang kanilang mga kaswalti.

Oktubre 11, alas-6:20 ng gabi. Pinarusahan ng isang yunit ng Celso Minguez Command ng BHB ang isang pusakal na CAFGU sa harap mismo ng kanilang detatsment sa Bgy. Porog, Bulusan, Sorsogon. Kinilala ang CAFGU na si Sandy Floresca na may utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan dahil sa pagpapakubkob ng tatlong mandirigma ng BHB noong 1987 sa Barcelona, Sorsogon na nagresulta sa kanilang kamatayan. Binabantayan ng detatsment ng 22nd IBPA at mga CAFGU ang cellsite ng Globe sa lugar.

Oktubre 13, alas-2:30 ng hapon. Pinarusahan ng isang yunit ng Celso Minguez Command ng BHB ang isang masugid na impormer ng militar sa Bgy. Siuton, Magallanes, Sorsogon. Kinilala ang impormer na si Rolin Añonuevo na direktang sangkot sa pagpapahuli ng apat na mandirigma ng BHB sa naturang lugar noong Nobyembre 5, 2009 at sa pagpapakubkob ng isang yunit ng BHB sa Bgy. Ginangra, Magallanes noong Enero 11, 2010 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pulang mandirigma at pagkawala ng ilang armas.

Oktubre 15 alas-10 ng gabi. Pinarusahan ng isa pang yunit ng Celso Minguez Command ng BHB si Bebot Dolosa ng Bgy. Gatbo, Bacon, Sorsogon City dahil sa kaso ng pagpapahuli sa dalawang pulang mandirigma noong Hunyo 30, 2010 sa parehong lugar. Si Dolosa ay aktibong impormer ng militar at ginagamit ng special operations team (SOT) ng 49th IB sa paniniktik sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.

Masbate

Naglunsad din ng apat na operasyong haras, isang pagpapasabog, isang ambus at isang pamamarusa ang mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate laban sa nag-ooperasyong tropa ng 9th IB, 93rd Reconnaisance Company, 85th IB at PNP.

Pinarusahan ng BHB noong Oktubre 12 (ala-una ng hapon) ang masugid na impormer ng militar na si Jopy Almonte sa Bgy. Pinya, San Jacinto, isla ng Ticao sa Masbate habang nasa aktwal na pag-eespiya laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ito rin ang aktibong giya ng mga operasyong militar na nagsasapanganib ng yunit ng BHB na kumikilos sa lugar.

Oktubre 13 alas-10:30 ng gabi. Hinaras ng isang yunit ng BHB ang 18-kataong tropa ng 9th IB na nagsasagawa ng operasyong militar sa Bgy. Buracan, Dimasalang.

Oktubre 14 ng gabi. Muling hinaras ng BHB ang dalawang pormasyon ng militar na nagtipon sa Bgy. Entosan, Palanas. Ito ang parehong tropa ng militar na mula sa Bgy. Buracan, Dimasalang at isa pang tropa ng 9th IB na mula sa Bgy. Mambog, Palanas.

Oktubre 15 alas-10:30 ng gabi. Hinaras ng isang yunit ng BHB ang detatsment ng 9th IBPA sa Bgy. Paguehaman, Uson, Masbate. Umabot ng limang minuto ang palitan ng mga putok.

Oktubre 17 ng madaling araw. Nagpasabog ng command detonated explosive ang BHB sa Bgy. Daraga, Placer upang lituhin ang mga nag-ooperasyong militar at sirain ang kanilang plano. Kumagat naman ang mga sundalo at lumabas ang mga ito sa mayor na kalsada.

Oktubre 17 ng gabi. Hinaras ng isang yunit ng BHB ang dalawang trak na puno ng mga sundalo habang nagbabyahe sa Bgy. Maravella, Palanas. Napokusan ng putok ng mga riple ang ikalawang trak at pinaniniwalaang maraming tinamaan sa mga sundalo. Isa ang kumpirmadong namatay at dinala sa isang punerarya sa Masbate City.

Oktubre 18, alas-7 ng umaga. Dalawang pulis na nakatalaga sa Pio V. Corpuz PNP ang matagumpay na inambus ng isang yunit ng Jose Rapsing Command sa Sityo Buenasuerte, Bgy. Malamac, Pio V. Corpuz. Nakumpiska sa kanila ang isang kalibre .45 baril, isang 9mm na pistola at mga bala. Aktibo sa operasyong kontra-insurhensya ang mga pulis na ito at nagbubuo ng mga barangay intelligence network sa lugar.

Ka Greg Bañares
Tagapagsalita ng NDF-Bicol

email:    greg_banares@yahoo.com/
gb_ndfbicol@yahoo.com

websites: http://www.ndfbicol.wordpress.com
http://www.twitter.com/ndfbicol

facebook account: greg banares

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s