Karumaldumal na mga Krimen ng Berdugong 9th ID Phil Army sa Bikol

National Democratic Front of the Philippines
Bicol Region

Pahayag sa Media
13 Pebrero 2010

KARUMALDUMAL NA MGA KRIMEN NG BERDUGONG 9TH IDPA SA BIKOL

Mariing kinukundena ng National Democratic Front – Bicol  ang mga kasinungalingan at maruming disimpormasyong ipinakakalat ng mga upisyal at tagapagsalita ng 9th Infantry Division sa rehiyong Bikol upang pagtakpan ang kanilang karumaldumal na krimen at walang puknat na ilarga ang kanilang kampanya ng pagdukot at pamamaslang ng mga inosenteng sibilyan.

Kinukumpirma lang ng mga paratang ni Maj. Gen. Ruperto Pabustan at ng kanilang tagapagsalitang si Maj. Harold Cabunoc ang pagpapatupad sa rehiyon ng utos ng kleriko-pasistang si Norberto Gonzales na ipatupad na ang mga “plano para sa pinal na yugto” ng pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan. Garapal na ibinibintang ni Maj. Cabunoc sa Bagong Hukbong Bayan ang sunud-sunod na pagdukot at pamamaslang sa Albay na kagagawan ng mga elemento ng special operations team (SOT) ng AFP at pinalilitaw na bahagi umano ito ng nangyayaring “pagpupurga” ng mga kasapi ng CPP-NPA-NDF sa rehiyong Bikol.

Duguan ang mga kamay ng kleriko-pasistang si Norberto Gonzales na ngayon ay kasalukuyang Kalihim sa Depensa at ang mga upisyal ng 9th Infantry Division, 901st Brigade at 2nd Infantry Batallion ng Philippine Army sa sunud-sunod na insidente ng karumaldumal na pagdukot at pamamaslang sa ikatlong distrito ng Albay. Umabot na sa walong sibilyan ang brutal na pinaslang mula noong Nobyembre 2009 hanggang sa katapusan ng buwan ng Enero 2010.

Nitong buwan lamang ng Enero, anim na sibilyan ang naging biktima ng brutal na pamamaslang. Walang awang pinagbabaril hanggang mamamatay ng mga elemento ng 2nd IB ang sibilyang si Vergel Mapola Catubig habang nagkukubeta sa isang pistahan sa Bgy. Lawinon, Pio Duran, Albay noong Enero 30. Upang pagtakpan ang kanilang krimen, pinuntahan ng mga sundalo kinabukasan ang mga upisyal ng barangay at pinapipirma ng isang kasulatang nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng militar at BHB sa lugar.

Noong Pebrero 7 natagpuan ang naaagnas at pira-pirasong mga labi ng mga sibilyang sina Ananias Cardiente Jr. at Vicente Moradillo na dinukot ng mga sundalo ng 2nd IB noong Enero 15 sa Bgy. Taplacon, Camalig, Albay. Ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, hinahanap ng militar ang dalawa bago ito nawala noong Enero 15. Mababakas sa bangkay ng mga biktima ang matinding pagpapahirap na dinanas – basag ang bungo, nakahiwalay ang mga ulo at sinunog ang isang bangkay.

Natagpuan din ang bangkay ni Salvador Mancera, isang residente ng Bgy. Taloto, Camalig, Albay sa katabing barangay ng Florista, Jovellar noong Enero 20, isang araw matapos itong dukutin ng mga elemento ng 2nd IB. Brutal itong pinaslang at ginilitan ng leeg.

Ang mga biktimang sina Mancera, Moradillo at Cardiente ay nauna nang “pinasuko” ng sapilitan ng special operations team ng 2nd IB at pinararatangang mga rebelde at nasa Order of Battle ng militar. Tatlo pang sibilyan sa Bgy. Taplacon at anim sa Bgy. Taloto, Camalig ang pinaghahanap ng militar at umalis sa lugar sa takot na dukutin din sila at patayin ng militar.

Dalawang kaso rin ng brutal na pamamaslang ang nangyari sa bayan ng Oas, Albay. Natagpuan noong Enero 20 ang bangkay ni Edgar Oguis na nilaslas ang leeg at hiniwa ng paekis ang mukha sa Bgy. San Antonio, Oas. Si Oguis ay dating kasapi ng BHB at namumuhay na bilang isang ordinaryong sibilyan sa Bgy. Salvacion, Pio Duran. Dinukot ito sa kanyang pinagtatrabahuhan sa bayan ng Camalig noong Enero 8 at dinala ng mga sundalo sa kampo ng 2nd IB sa Bgy. Tula-tula, Ligao City. Noong Enero 20, sapilitan itong isinabay sa operasyong militar sa San Antonio, Oas at doon ito pinahirapan bago pinatay.

Walang pakundangang pinaulanan din ng bala hanggang mamatay sa kanyang bahay si Jesus Goronal sa Bgy. Nogpo, Oas. Nakilala ng mga testigo ang dalawa sa mga bumaril na sundalo na sina Obet Concepcion at CAFGU Edwin Valencia na nakadestino sa isang detatsment ng militar sa Bgy. Villa Petrona, Libon, Albay.

Noong Nobyembre 3, 2009 natagpuan sa Bgy. Mabayawas, Libon, Albay ang bangkay ng mga sibilyang sina Hernani Requijo Jr. at Jesus Reonico na dinukot ng mga elemento ng 2nd IB noong Oktubre 28. Bakas sa kanilang mga bangkay ang sinapit na pagpapahirap at tortyur – tinanggalan ng mga kuko, binalian ng mga braso, sinaksak at ginilitan ng leeg.

Lalong ginagatungan ng kalupitan ng militar ang naghihimagsik na damdamin ng mamamayan at higit nitong pinabibilis ang paglahok ng mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sisingilin sa tamang panahon at pagbabayarin ng mahal ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang mga pasistang upisyal na ito na pinamumunuan ng kleriko-pasistang si Norberto Gonzales at ang kanilang punong kumander na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Ka Greg Bañares
Tagapagsalita, NDF-Bicol

Reference

Maki Oliveros

Media Officer

09398058980

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s